
FILE PHOTO: Gripo o Faucet (PHOTOVILLE International / Apolinar Espos)
MANILA, Philippines — Mahigit pitumput limang porsyento ng mga bansa sa Asia Pacific, kabilang na ang Pilipinas ang mahaharap sa krisis sa tubig kung hindi maaagapan.
Ayon sa report na inilabas ng Asian Development Bank (ADB), 37 developing countries sa rehiyon ang dumaranas na ng bahagyang kakapusan sa suplay ng tubig.
Ayon sa ADB, mayroon lamang 12 bansa sa Asia Pacific ang sinasabing kailangang paigtingin ang water security infrastructure.
Bagama’t umuunlad umano ang ekonomiya ng mga bansa sa Asia Pacific, nakakabahala na wala sa mga ito ang masasabing “water secure”.
Sa scale na 1 to 5; one (1) ang pinakamababa at five (5) ang pinakamataas, nasa number two ang Pilipinas sa Composite Water Security Index (CWSI).
Nasa level two din ang Indonesia, Myanmar, Thailand at Vietnam.
Ang Malaysia at Singapore ay number three, habang pinakamababa ang Cambodia na nasa number one.
Samantala, mataas naman ang score ng Pilipinas pagdating sa economic water security na nasa level four na, kabilang dito ang agricultural, industrial at energy water security.
Ang pinakamababa ng Pilipinas ay sa urban water security na nasa level one, samantalang ang lahat ng bansa sa Southeast Asia ay nasa 1.6.
Nasasakop ng urban water security ang supply ng tubig sa mga urban communities.
Mababa din ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Asya pagdating sa household water security na nasa level two lamang.
Hindi naman tinutulan ng Manila Water Company ang ulat ng ADB pero sinabi nitong patuloy na gumagawa ng paraan ang kumpanya para matiyak na malinis at ligtas ang tubig na kanilang ibinibigay.
Payo naman ng Manila Water Co. sa lahat na magtipid ng tubig lalo na at umpisa na naman ang panahon ng tag-init. (Mon Jocson & Ruth Navales, UNTV News)