
Senator Francis ‘Chiz’ Escudero (UNTV News)
MANILA, Philippines – Dismayado si Senador Francis Escudero Jr. sa mga miyembro ng Office of the Presidential Adviser for Political Process (OPAPP) dahil sa tila pagtatanggol pa nito sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasunod ng isyu sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Escudero, dapat palitan na ang mga ito kug hindi naman nagagawa ang kanilang trabaho na irepresenta ang pamahalaan.
Ito ang obserbasyon ng senador sa nakalipas na limang pagdinig ng senado ukol sa Mamasapano clash. Dapat aniyang iparamdam ng OPAPP na kakampi sila ng gobyerno.
“Palitan o magsimula naman silang magsalita para sa atin,” ani Escudero.
“Noong sinabi ni Ginoong Iqbal na isusuko daw nila kung saka-sakaling may kaso sa International Criminal Court, ang pumalag si Secretary De Lima. Ni wala ka narinig na ingay o reklamo mula sa GRP panel o sa OPAPP. Pati ba ito pinagkasundo na nila, pinagkanulo na nila, binigay na nila,” dagdag pa ng senador.
Paliwanag pa ni Escudero, hindi biro ang usaping pangkapayapaan lalo na ang Bangsamoro Basic Law na paglalaanan ng P75 billion ng pamahalaan. Dapat man lang aniyang makitaan ang OPAPP na may makukuhang pakinabang ang bansa dahil sa negosasyon ng mga ito sa MILF.
“Magpakita naman ang OPAPP, magpakita naman ang ating negosyador, ang ating kinatawan ng galit kaugnay sa bagay na ito hindi yung sila pa ang magsasabing “eh hindi kayo nag coordinate eh” hayaan natin manggaling sa MILF yan huwag naman manggaling sa kinatawan natin,” saad pa ni Escudero.
Ayon naman kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, kahit ipasa pa ang Bangsamoro Basic Law ay hindi nito magagarantiyahan na magkakaroon na ng pang-matagalang kapayapaan sa Mindanao.
Paliwanag ni Ejercito, bukod sa MILF may iba pang rebeldeng grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang private armed groups. Bukod pa rito ang papalaking bilang ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao.
Nilinaw ni Ejercito na hindi sya tutol sa pang matagalang kapayapaan sa mga nasabing mga grupo basta ito’y nakaayon sa ating saligang batas.
Si Ejercito ay naging co-author ng BBL noon subalit dahil sa Mamasapano incident ay nag-withdraw na siya ng suporta dito kabilang na si Senador Alan Peter Cayetano.
Ayon naman sa Malakanyang, nananatili ang tiwala ng pangulo sa government peace panel.
“Buo ang tiwala ng ating Pangulo sa mga bumubuo ng ating peace pane,l kabilang na si Secretary Teresita Ging Deles, ang Presidential Adviser on the Peace Process at Professor Miriam Coronel Ferrer. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ng ayon sa patnubay na binibigay ng pangulo,” pahayag ni Communications Sec. Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. (Bryan De Paz / UNTV News)