
NDRRMC Exec. Dir. Usec Alexander Pama (UNTV News)
MANILA, Philippines — Binabalangkas na ngayon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno ang mas detalyadong babala sa posibleng maging epekto ng paparating na bagyo.
Ayon kay NDRRMC Exec. Dir. Usec Alexander Pama, nagtutulungan ang DOST, DILG, DSWD, NEDA at NDRRMC upang maiwsan ang mas malaking pinsala lalo na sa buhay kapag dumarating ang kalamidad.
Sa bagong sistema, bukod sa inilalabas na babala ng PAGASA ay gagalaw din ang local government units upang maipaalala sa mga tao kung ano ang epekto nito sa kanilang lugar.
“Nandoon parin yung protocol ng PAGASA kung ano yung mga signal pero doon sa aspeto may un na down the line, ika nga, kung ano yung mga magiging impact nito sa mga specific localities, yan ho ang tinatrabaho”, ani Pama.
Ayon kay Pama, magkaiba ang epekto ng partikular na signal ng bagyo sa lungsod at mga probisya o rural areas kaya dapat ay matukoy kung aling mga lugar ang nanganganib sa sakuna gaya ng baha at pag-guho ng lupa.
“So ibig sabihin, yung paghahanda, yung pagrerespond, mas tutok na doon sa magiging epekto ng bagyo. Hindi yung dati na parang ano natin, is across the board. Basta ang sabi ganito kalakas yung panahon o kaya sabihin din na may inaanticipate tayo na landslide o ganun pero yung detalya kung ano gagawin doon na mukang yun ang medyo kulang”, dagdag nito.
Kasabay din nito ang pagbuo ng isang national plan para sa disaster response system na siyang magiging standard operating procedure kapag dumarating ang kalamidad.
Samantala, tuloy parin ang pagsuporta ng NDRRMC sa paggawa ng rehabilitation plan sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Pama, nakapagsumite na ng rehab plan ang Samar, Leyte, Nothern Cebu at Tacloban, habang isinasapinal na lamang ang sa region 6 at region 4B. (Rey Pelayo, UNTV News)