
Isang pampasaherong jeep (UNTV News)
MANILA, Philippines — Dumulog na rin sa Korte Suprema ang isa pang transport group upang hilingin na patigilin at ipawalang-bisa ang pagpapataw ng umano’y sobra-sobrang multa sa mga paglabag sa batas-trapiko.
Sa kanilang petisyon sa Korte Suprema, sinabi ng National Confederation of Transport Workers Unions na hindi makatwiran at labag sa Saligang Batas ang napakataas na multa na nakapaloob sa joint administrative order ng Department Of Transportaion and Communication (DOTC), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board(LTFRB).
Halimbawa ng grupo, ang simpleng depekto sa signal lights ay may multang 5-thousand pesos.
“Kung mumultahan mo sa simpleng violation na pagka pundi ng isang bombilya na limang libong piso, parang inagaw mo na rin yung pagkain ng pamilya niya na ihahapag sa lamesa. Dahil nga limang libo, dalawang violations sampung libo, saan kukunin ng ordinaryong operator at driver yan?”, pahayag ni Ernesto Cruz na siyang National Chair ng National Confederation of Transport Workers Unions.
Ayon sa grupo, suportado nila ang programa ng pamahalaan na maalis ang mga kolorum na sasakyan at abusadong mga diver sa kalye ngunit para sa mga ito, kalabisan na ang mga simpleng paglabag sa batas-trapiko ay papatawan pa ng sobra-sobrang multa ng gobyerno.
“Sa colorum, drunk driver, wala naman kaming tutol diyan dahil nga karapatan iyan upang mabawasan ang colorum sa kalye”, ani Cruz.
Dagdag pa nito, “Bigyan ninyo kami ng konsiderasyon dahil nga yung mga taxes lang na nakukuha nila sa mga pumapasadang jeepney, sa buong transport sector, yun ba ay hindi pa sapat dahil napakalaking tax niyan na nakukuha ng gobyerno.”
Una nang naghain ng kaparehong petisyon ang Stop N Go Transport coalition.
Inatasan na rin ng Korte Suprema ang DOTC, LTO at LTFRB na magkomentaryo sa isyu. (Roderic Mendoza, UNTV News)