
Libu-libong sakong bigas ang nasabat sa isang warehouse sa First Bulacan Industrial Complex o FBIC sa Tikay, Malolos city na ni-raid noong Sabado (UNTV News)
BULACAN, Philippines — Sa bisa ng Visitorial Power ng National Food Authority (NFA) ay nag-follow-up inspection ang ahensya at ang DILG sa Purefeeds Corp. sa First Bulacan Industrial Complex o FBIC, Tikay, Malolos city.
Nilalaman ng warehouse ang nasa 32 libong sako ng bigas na kasalukuyang binabantayan ng mga tauhan ng PNP-CIDG na nagsagawa ng raid noong Sabado.
Ayon kay DILG Sec. Mar Roxas, nadiskubre na hinahaluan ang commercial rice ng broken rice na ginagamit sa paggawa ng feeds o pagkain ng hayop.
“Blue diamond brand mula sa Thailand na ito naman ay bigas talaga. Hinahalo ito, itong para sa hayop. Hinahalo dito na para sa tao at inire-repack dito sa Golden Bee Sinandomeng premium sinandomeng rice. Kung baga, nilalagyan ng extender ng para sa hayop yung Thai rice na ipinasok.”
Itinanggi naman ng may-ari na pinaghahalo nila ang bigas na para sa hayop at bigas na para sa tao.
“Wala po. Baka nakita nila sa proseso eh medyo technical po kasi yan. Hindi naman po tayo naghahalo ng ganyan”, paliwanag ni Jojo Soliman na siyang may-ari ng Purefeeds, Corp.
Bagama’t wala namang nakikitang makakasama sa kalusugan ng tao kung makain, paglabag naman ito sa karapatan ng mga mamimili .
Nakita rin na nakakakarga na sa mga truck ang nasa 950 bags ng golden rice na nakahanda na for delivery.
“In fact, nung pumasok dito yung ating kawani ng CIDG at NFA ay ikinakarga na sa truck. There were 2 trucks ang nakahanda, about 900 bags. 450 bags ang bawat trucks na handa ng ilabas”, pahayag ni Roxas.
Hindi rin umano rehistrado sa BIR ang kompanya at nahaharap din ito sa paglabag sa mga batas ng NFA, BOC at BAI. Nakahanda naman ang may-ari ng warehouse na patunayan na lehitimo ang kanilang operasyon.
“We have all the papers. Meron tayong local, meron tayong imported, may import permit tayo, may milling po tayo. Kumpleto naman po”, saad ni Soliman.
Susubukan umanong tuntunin ng mga otoridad ang mga lugar na napagdalahan ng pinaghalong bigas para hindi na maibenta pa.
Nagbigay naman ng tip ang NFA upang malaman kung ang bigas ay hinaluan ng broken rice.
“Depende sa rate of halo. Kung masyadong malaki talaga yung rate of addition, parang makikita mo na merong broken. Yung broken po, yung parang halos durog na siya. meron siyang long grain”, ani NFA Administrator Arthur Juan.
Sa 18 warehouses na in-inspection ng NFA, 4 dito ang nakitahan ng paglabag. (Rey Pelayo, UNTV News)