
Davao Light and Power Company facade (UNTV News)
DAVAO CITY, Philippines – Hindi magkakaroon ng rotational brownouts sa Davao City sa gitna ng nararanasan ngayong power crisis sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa Davao Light and Power Company o DLPC, nakagawa na ito ng hakbang upang tugunan ang ipinataw na 120-megawatts load curtailment ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Nakahanda na rin ang diesel-powered at hydro power plants ng kumpaniya sakaling lumalala ang nararanasang problema sa enerhiya sa Mindanao.
Sa ngayon ay nakararanas na ng 4 hanggang 7-oras na rotational brownouts sa ilang bahagi ng North Cotabato, Maguindanao, Cotabato City, Sultan Kudarat Province, General Santos City at iba pang bahagi ng Central Mindanao.
Noong Miyerkules nakapagtala ang NGCP ng 258-megawatt shortage sa enerhiya kung saan 910-megawatts lang ang naibigay na energy supply sa kabuoang pangangailangan na 1,168-megawatts ng Mindanao.
Muli namang umapela ang DLPC sa publiko na gawin din ang kanilang bahagi sa pagtitipid sa kuryente. (Louell Requilman & Ruth Navales, UNTV News)