
Istik ng isang sigarilyo na malapit ng maubos (UNTV News)
MANILA, Philippines — Naramdaman na sa bansa ang epekto ng pagpapatupad ng Sin Tax Law.
Ayon sa Department of Health (DOH), sa resulta ng survey ng Social Weather Stations nito lamang Marso, lumabas na epektibo ang batas sa pagpapababa ng bilang ng mga naninigarilyo lalo na sa mga kabataan at mga mahihirap.
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents sa buong bansa.
Base sa socio-economic status, ang class-E o very poor ay bumaba ang bilang ng mga naninigarilyo sa 25% ngayong Marso mula sa dating 38% noong Disyembre 2012.
Habang bumaba sa 18% ang mga naninigarilyo na may edad 18-24 na taong gulang mula sa dating 38% .
“Kung na-reduce na yan at the early stage, future smokers will be reduce also”, saad ni DOH USec. Namesio Gako.
45% naman sa mga naninigarilyo ay hindi pa rin humihinto kundi lumipat lamang ng ibang brand ng sigarilyo na mas mura ang halaga.
Lumabas din sa survey na 67% ng mga Pilipinong naninigarilyo ang bumibili ng patingi-tingi na nagkakahalaga ng 3 piso lamang kada istik ng sigarilyo.
“Yun ang sinasabi ng taga-Department of Finance na kung meron lang sanang isang form of taxation sa lahat, then walang pupuntahan ang smoker but to stick to that brand”, ani Gako.
Noong 2013 ay kumita ng P45.1 billion mula sa Sin Tax ang pamahalaan na ipinandagdag umano sa budget ng kagawaran para sa expansion ng PhilHealth coverage ng 14.7 million na mga mahihirap na Pilipino.
“Lumaki ang ating budget by 27% at ito’y ginagamit natin sa iba’t-ibang programa ng department”, dagdag ni Gako.
Sa paghahalintulad naman ng World Health Organization (WHO) , makabibili ka na ng halos 2 kilo ng bigas o 1 dosena ng itlog sa halaga ng 1 kaha ng sigarilyo.
Bukas ay ipagdiriwang ang “World No Tobacco Day” bilang bahagi ng kampanya kontra sa paninigarilyo.
Sa datos ng WHO, nasa 6 na milyon ang namamatay kada taon dahil sa paninigarilyo at ang 600 libo dito ay dahil sa 2nd hand smoking o mga nakalanghap lamang ng usok ng sigarilyo.
“The Philippines is already the 12th most populated country in the world. So what we really want is to invest in a smoke free youth. That would be fantastic”, pahayag ni Dr. Julie Hall, WHO country representative. (Rey Pelayo/UNTV News)