
Nagsagawa ng dance mob protest ang mga doktor at nurse ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) upang mabigyan ng titulo ang lupang kinatitirikan ng ospital (UNTV News)
MANILA, Philippines — Isang dance mob protest ang isinagawa ng halos tatlong daang mga doktor at nurse ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) upang hilingin sa pamahalaan na mabigyan na ng titulo ang lupang kinatitirikan ng kanilang ospital.
Layunin umano nito na maipaabot sa pamahalaan ang kanilang kahilingan na mabigyan na ng titulo ang lupang kinatitirikan ng kanilang ospital.
“Aksyunan na po yung panawagan namin na ibigay na ang titulo, whatever that for is purchase ba, donation ba, ok lang sa amin basta may titulo ang PCMC para yung mga development namin and constructions of other facilities to modernize this facilities ay magkaroon na nang katuparan,” pahayag ni Jara Corazon Ehera, ang Deputy Director for Hospital Services ng PCMC.
Ayon sa pamunuan ng PCMC, target ng Department of Health na mailipat ang kanilang ospital sa compound ng Lung Center of the Philippines.
Mahigpit naman itong tinututulan ng pamunuan ng ospital dahil magiging mahirap para sa mga bata na mailipat pa sa ibang lugar at may posibilidad rin na maging dahilan ito mahawa sila ng iba pang sakit.
Ayon sa PCMC, sa kasalukuyan ay umaabot sa halos 80,000 ang mga pasyenteng kanilang napagsisilbihan at nasa 55,000 ang mga bata na na-aadmit dito taun-taon.
“Sana wag nilang alisin itong ospital kasi ito lang yung ospital na alam naming makakatulong sa mga anak namin,” pahayag ni Aling Vilma Mejares. “Dinala ko sya dito 50-50 na, nawalan na kami ng chance, pero itong ospital na ito yung mga empleyado at nurse, tinanggap nila agad kami.”
Bukod sa flash mob dance, sinabayan din ng kilos protesta ng iba’t-ibang grupong nananawagan na mapigilan ang planong pagpaalis sa 3.7 ektaryang lupang kinatatayuan ng naturang ospital. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)