
Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis Panginilan (UNTV News)
MANILA, Philippines — Aangkat pa ng 200,000 metriko tonelada ng bigas ang National Food Authority (NFA) bilang pandagdag sa supply ng bigas ngayong lean months o panahon ng taniman sa bansa.
Ayon kay Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis Panginilan, nagkakahigpitan sa supply ng palay sa ngayon.
Wala na halos mga magsasakang gustong magbenta ng palay dahil binibili ito ng mga trader sa mas mahal na presyo.
“Bakit pupunta sa amin kung merong bumibili ng P25-P26.”
Ayon kay Pangilinan, dapat ay napaaga ang 800,000 mt na una nang i-norder ng pamahalaan sa ibang bansa upang maipampuno ngayong lean months o panahon ng taniman.
“Tumataas ng ganyan e dati yan eh ₱17, ₱18, ₱19. Dahil nakikita rin nung mga trader siguro at mga buyers na hindi ganoon karami yung supply apektado pa nang bagyo so sila mismo kahit mataas ang presyo bibilin nila,”saad pa ng kalihim.
Posibleng sa kalagitnaan ng Hulyo ay darating na sa bansa ang mga inangkat na bigas.
Samantala, paplanuhin na rin sa susunod na buwan kung paano babayaran ng NFA ang P160 bilyong utang nito.
Ayon kay Pangilinan, naipon ang utang sa mga isinagawang importasyon at subsidiya ng NFA sa pagbebenta nito ng mas murang bigas.
Kasama ring babalangkasin ang road map ng ahensya sa susunod na dalawang taon. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)